The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

The Natural Phenomenon of Madness: Ngayon At Bukas Ng Sineng Filipino

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni Bienvenido Lumbera

The Natural Phenomenon of Madness ang kakatwang pamagat ng pelikulang nakasentro sa naganap sa pagkatao ng isang babae at ng lalaking sangkot sa kaso ng panggagahasa. Ito ba ay ulat tungkol sa nabanggit na kaso? Para kasing medical report. Baka naman pagpapaliwanag ng isang psychiatrist batay sa kanyang naobserbahan sa kilos at pagsasalaysay ng babaeng biktima. O kaya ay ulat ng isang sosyolojis na naging kapalagayang-loob ng rapist.

Pero ang pamagat ay pamagat ng isang sine. Kung produkto ito ng industriyang sa mahabang panahon ay nagsilbing tagapagbili ng aliw, paano kaya nito maaakit ang madlang noo’y dumumog sa talkilya nang paglawayin ang mga ito ng Diligin ng Hamog ang Uhaw na Lupa na tinampukan ng eksenang sinipsip ni Joseph Estrada ang hita ni Gloria Diaz na kinagat ng ahas, at pinangakuan ng maiinit na tagpo ng pagtatalik nina Charito Solis at Ricky Belmonte sa Hugasan Mo ang Aking Kasalanan?

Pelikulang indie ang The Natural Phenomenon of Madness. At dahil “independent” ito, walang pakialam sa ngayon ang prodyuser at direktor sa ganansiya ng box-office. Wala ring gaanong pakialam ang direktor sa inaasahan ng mga manonood na sinasabi ng kuwentong isinasalaysay nito. Wala ring ginawang pagpapabongga sa mga tagpo at tanawing ipinamalas sa screen. Black and white ang sinematograpiya at ang mga aktor ay walang make-up at ang kanilang dialogo ay payak at pabalbal.

Tunay na radikal ang naging pagtiwalag ng indie sa pelikulang mainstream, at ang The Natural Phenomenon of Madness ay mainam na halimbawa ng naganap na pagkabukas ng paglikha ng pelikula sa malawak na larangan ng buhay-Filipino, na sa kasaysayan ng mga naunang pelikula ay hindi nasiyasat at di man lamang napangarap ng mga iskriprayter at direktor ng noo’y tinawag na “industriya ng pelikulang Filipino.” Napakakitid ng mundong ginalawan ng mga tauhan sa mga pelikulang komersiyal noon—mansyon ng mayayaman, hamak na bahay-kubo ng mahihirap, magaslaw na siyudad ng Maynila, munting baryo sa probinsya (na sa katunayan ay nasa laylayan lamang ng Maynila). Binuksan ng mga indie filmmaker ang Filipinas sa labas ng Luzon, at itinanghal sa mga manonood ang iba-ibang kultura at tao sa mga rehiyon, na dati ay sa mga libro at telebisyon lamang nababalitaan. At sa mga pelikulang indie, naisalaysay ang mga problema at pangyayari na iniwasan paksain ng mga pelikulang mainstream. At naipadanas ng mga bagong pelikula ang lalim at salimuot ng pamumuhay sa ating bayan, na saksi sa paghuhugpong ng isang bayang nakatuntong pa sa lumang piyudal na lipunan at ng sambayanang bahagya pa lamang nakatapak sa umuunlad na modernong industriyalistang bansa.

Hindi na bago ang paksaing rape sa ating mga pelikula. Hindi na mabilang ang mga babaeng dumanas ng panghahalay sa naunang mga pelikula. Ang ikiinaiba ng pelikula ni Charliebebs Gohetia ay ang matamang pagsaliksik nito sa epekto nito sa kalooban ng biktima at sa kalooban na rin ng rapist. Nagbubukas ang pelikula sa isang tagpong nagtatanghal ng marahas na pagbaba ng isang binata (Jess Mendoza) sa isang dalaga (Opaline Santos). Pawisang-pawisan ang lalaki habang kinakantot ang babae pero walang kasiyahang mababakas sa kanyang mukha, sa halip ang naroo’y galit.Pagkaumaga nagmamadaling nagbihis ang lalaki at iniwan ang babaeng nakatalungko sa tabi ng kama. Sa sumunod na eksena, pinutol ng biktima ang kanyang malagong buhok at kinalbo ang ulo, wari’y tinanggal ang pagkakilanlang siya’y babae. Sa pagtakbo ng naratibo. isasalaysay ng biktima sa isang psychiatrist na binayaran ang kanyang kuwento. Sa kanyang pagsasalaysay, mauunawaan natin na siya at ang binata ay magkababata at magkabarkada sa high school.

Nang gabi ng rape, lasing na lasing na dumating ang binata. Nagkahiwalay ang binata at ang kanyang girl friend, at ang pagkapoot niya sa nangyari ay nauwi pag-rape sa kababata at kaibigan. Mauunawaan natin na mahal ng biktima ang binata subalit hindi niya mapatawad ang ginawa nitong panggagahasa na bunsod ng galit sa ibang babae. Matagal niyang kinimkim ang kanyang galit. Alam niyang may leukemia ang binata at kailangan nito ng dugong type A+. A+ ang bloodtype niya pero ayaw niyang maging donor.

May ikalawang bahagi ang pelikula, at ito ay nakapokus sa binata. Mapag-aalaman natin na ang lalaki ay ginigiyagis ng pagsisisi sa kanyang kasalanan sa kaibigan. Madalas pa ring magtagpo ang magkaibigan pero ang patawad na hinihintay ng may kasalanan ay hindi binibigkas ng biktima. Tulad ng biktima, palaboy-laboy din ang binata at ang kanyang kasalanan ay nagiging dahilan ng paglalasing at sagwil sa kanyang relasyon sa kanyang girl friend na balak niyang pakasalan. Minsan sa pasilyo ng isang ospital, narinig niya ang tinig ng isang naghihingalo at naluha siya sa pagkaalaala na siya mismo ay nasa bingit ng kamatayan. Sinubukan niyang ikumpisal ang kanyang kasalanang rape, subalit hindi pa rin matahimik. Tatlong beses niyang ikinumpisal ang kanyang kasalanan sa eksenang tila siya ay nakapiit sa bilangguan. Tinangka niyang magpakamatay sa pamamagitan ng plastic wrap na ibinalot niya sa kanyang ulo, subalit sa huling sandali ay binaklas niya ang pupugto sa kanyang hininga.

Kakaiba ang lapit ng iskrip ni Gohetia sa paksaing rape. Wala ritong iyakan, pagtataas ng boses ng biktima, o emosyonal na komprontasyon. Ang narito lamang ay ang mahaba at tahimik na pagtikis ng babae sa lalaking humalay sa kanya, at ang tahimik na pagtitiis ng rapist na malalim ang pagsisising dinaranas.Sa ganitong paraan siniyasat at pinalalim ng iskrip ang mga isyung moral at sikolohikal na ibinunga ng panghahalay. Ang sinematorgrapiyang black and white ay lubhang epektibo sa pagpapahiwatig ng kahungkagan ng buhay ng biktima at ng kanyang rapist bunga ng nangyaring panggagahasa. Madalas, ipinapakita ng long shot ang dalawang tauhan na naglalakad sa mga mahahabang pasilyo at kalye na papalapit sa kamera mula sa kalayuan, o papalayo hanggang mawala sa dulo ng daan o pasilyo. Habang nagsasalaysay sa psychiatrist ang babae, ang alanganing anggulo ng kamera sa mukha ng biktima ay pahiwatig ng dementia ng biktima. Ang mga tunog ng trapik sa kalye, garalgal ng eroplanong nagdaraan sa itaas, ang boses ng paring nagsesermon na abot hanggang labas ng simbahan, ang nagsasayang tinig ng mga bata sa parke—ang mga ito ay nagpapatingkad sa tahimik na pagdurusa ng dalawang prinsipal na tauhan. Ang dalawang aktor (sina Santos at Mendoza) na gumanap sa biktima at rapist ay matagumpay na bumuhay sa kanilang papel na di nila tinangkang sangkapan ng kinaugaliang “arte.”

Ang naging pagkalas ng indie sa pelikulang komersiyal ay nakalikha ng mga bagong puwang sa pagsasapelikula, at ang mga ito ay humahamon sa direktor na tuklasin ang mga hangganan ng kanyang pagkamalikhain. Isang birtud ito ng pelikulang indie na nakapaghatid sa ating puting tabing ng kagilagilalas na mga tagpo at sitwasyong naglilimbag sa alaala ng mga kabatirang nagpapayaman sa ating karanasan sa panonood ng sine. Subalit kailangan pang tuklasin ng mga bagong filmmaker ang danas at kaisipang aakma sa kakayahan ng manonood na makasusubaybay sa pitlag at likwad ng paglikha ng manlilikha na baka hinihibang naman ng bagong kalayaang dulot ng digital filmmaking. Kailangan samakatuwid na pagtimbangin ang laya ng filmmaker at ang edukasyon ng mga manonood. Ang darating pang mga panahon at ang mga pelikulang lilikhain pa ay aasahan nating magpapamalas ng pagtatagpo ng laya ng filmmaker at ng pagkasanay ng mga manonood sa mga katangian ng pelikulang indie. Hangad nating ang sining ng pelikulang indie ay puspusang sumanib sa kamalayan ng madlang tumatangkilik sa pelikulang Filipino.