The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

Porno: Mistulang Arsenal ng Postkolonya-Lismong Lumabnaw na

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni Benilda S. Santos

Mula pa sa salitang Griyego—pornographos—ang pornograpiya na mula naman sa isina-Ingles na pornography. Tinutukoy nito ang mga antigong sulatin na tungkol sa buhay ng mga babaeng nangalakal ng kanilang katawan, at kasama na rin ang tungkol sa buhay ng kanilang mga tagatangkilik na dinulutan nila ng kasiyahan. Sa Porno na pelikula ni Alix, wala na ang anyong sulatin. Nasa anyong DVD na ang marami sa materyal na pornograpiko, at bagaman kontrabando, inilalako pa rin nang patago kapag may nanghuhuling pulis, at nang hayagan naman kapag wala. Samakatwid, anumang bagay na hayag na hayag sa anumang materyal na mapaglulunsaran ng pornograpiya sa Porno ay ang pagiging sadyang laganap nito. Lubhang pangmasa na ang porno (maraming DVD nito kahit sa labas lamang ng Mercury Drugstore sa gabi), demokratiko ang murang-murang renta sa mga nagsulputang internet café (at nakakabit na rin dito ang cottage industry ng cybersex na pang-pedophile). Ano pa’t maituturing na isang kakatwang sitio ng bayan ang anumang umiinog sa porno. At ito ang natatanging layon ng Porno ni Alix: ang maglarawan ng isang quasi sosyolohikal/antropolohikal na pag-unawa sa paglaganap ng porno upang maipakita kung paano ito nagiging isang uri ng currency, produkto, o paraan ng pamumuhay sa pagtutulak ng espasyong okupado ng mababa-babang-panggitnang-uri.

Hindi man pornograpiya ang mismong Porno, lumitaw pa rin sa pagsusuri nito ng penomenon ng porn na bahaging-bahagi na ito ng buhay-masa sa panahong kontemporanyo. May personal na kakayahan na ang mga tao na lumikha ng pinili nilang anyo ng pornograpiya o porno, at gamitin ito nang ayon sa kanilang pangangailangan. Bilang produkto, nadadala ang porno kahit saan, at may katapat itong exchange value saan mang lupalop, sa anumang uring panlipunan. Nagmimistula tuloy itong arsenal ng isang uri ng panghatinggabing postkolonyalismo. Ibig sabihin, higit sa pagiging porno, ang Porno ay pag-aaral ng mga kaugaliang pangkasarian ng gitnang uri, kaagapay ng pagmamapa sa kanilang lubog na malay. At upang maayos na mailahad naman ang mga partikularidad tungkol dito, sinuhayan ang pelikula ng naratibong putoul-putol, tagpi-tagpi, at pinagdugtung-dugtong ng isang sangkap na matatagpuan sa bawat pangyayari: ang sentral na pag-iral doon ng porno.

May apat na anekdota o maikling kabanata na bumubuo sa Porno. Ang una na maituturing na prologo ay nagtataglay ng mga sangkap ng karaniwang porno, at ang tatlong sumusunod dito ay mga kuwentong-buhay ng mga tauhang may kinalaman sa produksiyon, pangangalakal, at/o paggamit ng porno.

ANG PROLOGO. Ang estudyante at ang kanyang parokyano sa isang mumurahing motel. Ang pornograpiya dito ay saglit na ibinitin ng tanong ng lalaki sa babae, “Ano ang sabi ni Sir Chief?” Ang sagot: “Ang batang kung kumilos ay matulin, kung matinik ay malalim.” Isang babala ito na pagbutihin ng babae ang kanyang performance upang masiyahan ang parokyano, at tanda rin ng maalwang pag-ampon ng tao sa sitwasyong nagtatakda maging ng pamamanglaw ng kulturang dati’y masigla at buo.

ANEKDOTA 1 Ang bilanggo (Yul Servo), si Mimi (Rosanna Roces) na naglalako ng aliw, at si Tatay Tupe (Bembol Roco), ang police handler ng bilanggo. Ito ang pormal na pambungad ng Porno. Pagtatalik ito ni Mimi at ng bilanggo na inilabas ng handler dahil inatasang pumatay kay Arsobispo Sanchez (na halatang fictional version ni Arsobispo Oscar Cruz, ang pangunahing kalaban ng mga tumatangkilik sa jueteng noong panahon ng dating Pangulong Arroyo). Sa buong eksenang ito, hindi makali ang bilanggo na nakaramdam na may nanonood sa kanila sa kabilang silid. Samantala, walang tigil ang pagpapalabas ng DVD ng maatikabong pagtatalik ng mga body parts. Madalas na halos hindi na makilala ang mga nagtatalik na bahagi ng katawan ng tao. Pati halinghing ng mga artista ay hindi maitago. Bigo naman si Tatay Tupe sa pagsablay ng pagbaril ng bilanggo sa arsobispo, kaya nang makaalis na si Mimi, binaril niya agad sa ulo ang bilanggo na kagyat na pumanaw.

Hayag na hayag ang reprise ng naunang pagpatay sa Prologo, dito naman sa Anekdota 1, at kahambal-hambal ang pagsisiwalat sa pagpatay ng tao kahit sa pribadong silid ng isang motel, wari iniuugnay nang sadya ang praktis ng pakikipagtalik sa ultimong karahasan ng walang-awang murder. Sa Prologo, at maging sa Anekdota 1, kay linaw ng pagkakaugnay ng sistemang penal sa kapulisan, gayon din ang kaugnayan ng dalawang nauna sa mga institusyon o ahensiya na nagdudulot ng kasiyahan.

ANEKDOTA 2 Ang produksiyon ng bagong pornong naka-DVD na kuha sa pagtatalik ng bilanggo at ni Mimi. Muli, murang materyal na pornograpiko o sintetiko ang inaasinta ng pangkat sa pagkuha nang palihim at walang pahintulot sa pagtatalik ng dalawa. Sa pagkakataong ito, may dalawang lumabas na moaner o opisyal na taga-halinghing sa gitna ng pagtatalik na kinukunan ng video: si Aleks (Carlo Aquino) at ang kaibigan niya sa likod ng makapal na telon.

Nagkakawing-kawing na ang kadena ng mga lubog sa produksiyon ng porno. Nabubuo nang malinaw ang pamayanang suportado ng pornong DVD. Subalit hindi nakakasabay dito si Aleks, ang palpak na tagahalinghing sapagkat abala naman siya sa pagtatatag ng personal niyang mundo ng porno. Sa tunay na buhay, mukhang birhen pa siya, dungo at mahiyain, loner, kabilang sa pamilyang Katoliko na may tradisyon ng pananalangin, at kahit nagtitinda siya ng pornong DVD, dala marahil ng pagkababad niya sa gawaing dubbing, hindi na niya masikmura ang kanyang produkto. Sa halip, sa madilim niyang silid na nalalambungan ng makapal na kumot ang lahat ng bintana upang huwag makapasok ang silahis man ng liwanag, doon siya nagpraktis nang masidhing panliligaw, paghuhubo, panonood ng paghuhubo ng nililigawang babae, at kapag dinalaw ng inspirasyon ng kamunduhan, mag-isang nagpaparaos sa banyo. Hanggang sa magkaroon siya ng cyber-date na nagsabi nang tuwiran sa kanya na nakikita at pinapanood siya nito sa kanilang pag-uusap. Nawindang si Aleks, at wari inatake ng epilepsy, napahiga siya sa kalsada.

Sa isang banda, kahanga-hanga ang pagsisikap ni Aleks na mabawi ang munti mang espasyo sa cyberspace upang matawag niyang kanyang-kanya nga ito, at mamarkahan ng pagka-siya/pagka-Pilipino (kahit hindi pa niya buong malay na ninanais ito) ang hanging dumadampi sa kanyang ilong, at sa imahen ng kanyang ilong sa laptop. Eksaherado bang isipin ito? Hindi ba’t ito rin ang itinangis-tangis ni Florante sa gubat na mapanglaw? Ang maangkin ang isang pansarili espasyo.

ANEKDOTA 3 Sa buhay ni Alex, isa sa lead dancers ng grupo ng gay dancers na nagtatanghal bilang Follies of Mwah, masasaksihan ang pait ng pagbawi ng espasyong postkolonyal. Committed gay si Alex, at may nobyo siyang Australiano na ang pangangailangan sa seks (pati sarili niyang pangangailangan dito) ay nasusustentuhan niya sa pamamagitan ng walang pagod na pagpapalabas ng pornong DVD, at ng instrumentong hugis penis. Subalit hindi napatay ng ganitong mga praktis na sekswal ang pangungulila niya sa anak na si Justin na nakakikilala sa kanya bilang lalaki, palibhasa, nakaluklok ang imahen ng anak na lalaki sa kanyang puso at kubling malay. Ayaw naman niyang magpakilala dito bilang lalaki. Hanggang sa dalawin siya ng mga pangitain ng anak na hindi niya maiwaksi. Paano niya sasakupin ang espasyong ayaw pasakop sa kanya?