The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

Norte, Hangganan Ng Kasaysayan: Pagharap Sa Hangganan ng Lahat ng May Sinag at Saysay ng Buhay

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni Benilda S. Santos

Sa dulo ng mahigit sa apat na oras na pag-ikot ng pelikulang Norte, hangganan ng kasaysayan, paglabas ni Fabian (Sid Lucero) sa silid ng kapatid na babae pagkaraang halayin niya ito, at pagkalipas ng wari hindi na magsasarang huling eksena ng pagkakadukmo ng lalaki sa isang tabi ng kasukalan hindi kalayuan sa masinop, malinis, at maaliwalas na tahanan ng angkang Viduya sa Laoag, at matapos niyang isunod at umugin hanggang sa maputulan ng hininga ang asong tagabantay ng malawak na lupain ng mga magulang, naagnas na nang tuluyan ang nalalabi niyang pagsisikap na ipunin sa sentido ang isang identidad at pagkakakilanlan na bibigkis sana sa kanyang hatol, bait, at muni.

Paano nauwi sa trahedya ang isang katulad ni Fabian na kay laki ng pag-asang magkaroon ng buhay na kung tawagin ay may “magandang hinaharap”? Ayon nga sa karaniwang pansin, “nasa kanya naman ang lahat.”

Batay sa mga nakaraang pelikula ni Lav Diaz, matatagpuan sa pamagat ng pelikulang, Norte, hangganan ng kasaysayan, ang kasagutan. Maamo si Diaz sa paksang may tuwirang pagtistis sa mga dinadalang pasakit ng mga indibidwal sa lipunan sa kontekstong historikal, sosyolohikal, sikolohikal, at higit sa lahat, pilosopikal. Sa pag-unawa ng manonood sa Norte, halimbawa, tulad ng pag-unawa niya sa mga naunang pelikula ng direktor, makikita niya na inihahayag ni Diaz ang kahalagahan ng pagmumuni-muni sa mga naiiwang trauma ng malalaking puwersa ng kasaysayan sa mga institusyon ng lipunan na nagkakabisa naman sa buhay ng mga mamamayang napaiilalim dito. Nag-iwan man ng kariwasaan ang monopolyo ng tabako, halimbawa, sa kabuhayan ng mga taga-Hilagang Luzon, nakasulat din sa mga aklat ng kasaysayan na di-gagaanong indibidwal at kolektibong hirap ang sinapit ng mga mamamayan sa ilalim ng sistemang ito. Nakabaon sa kultura ng bayan ang mga tinik at buto ng mga “aksidenteng” ito ng kasaysayan, at madalas, walang malay na dinadala ng mga tao ang mga subyang na ito nang kapos ang pagkamalay o pagkaunawa sa bisa nito sa kanilang alaala, sa epekto nito pagbubuo nila ng sarili, at sa pagkakaroon o kawalan nila ng paraan ng sariling pag-iisip at pagpapasiya.

Kitang-kita ito sa kaso ni Fabian. Hindi man isiniwalat nang ganap sa pelikula, mahihinuha mula sa pamagat nito na hindi nakapanimbang si Fabian sa pagitan ng mayamang baul ng karunungan na inangkin niya sa buong panahon ng kanyang katinuan, at sa mga naipong kontradiksiyon na nagisnan niya sa kasaysayan ng bayan, sa takbo ng politika sa kanyang lalawigan, at maging sa balighong pamumuhay sa piling ng mga magulang, na naunawaan niya sa kalaunan na lamang. Higit sa lahat, wari huli nang sumapit sa kanyang malay ang tahimik na kabayanihan ni Eliza (Angeli Bayani), ang matiisin at mapagpakumbabang maybahay ni Joaquin, ang napagbintangang may gawa ng pagpatay sa usurera at anak nito na hindi inamin ni Fabian sa kabila ng malawak na pagkaunawa niya sa batas. Marami-rami pa sana ang natutuhan ni Fabian sa mag-asawang ito

Gayon din, sa paglalarawan ni Diaz sa payak na buhay nina Joaquin at Eliza na ang inaasahan lamang ay ang katutubong dunong, sipag, tiyaga, at pagtitiis (walang-walang book knowledge dito!), at sa pagtatabi niya sa larawang ito sa masalimuot at madilim na buhay ng magkapatid na Viduya bunga ng kapabayaan ng mga magulang nito at ng mismong komplikasyong dulot ng dunong na mula sa unibersidad, naihahain din sa mga manonood ang hamon na magmuni-muni nang tulad ng direktor.

Ang kahalagahan ng hilig ni Diaz na maging mapagmuni o mapag-isip ay nagkakaroon din ng bisa sa estetika ng paghawak niya ng kanyang kamera. Mahinahon ang pagkilos o paghagod nito sa eksenang kukunan ng larawan: walang pagmamadali upang maiwasan ang pag-aalinlangan sa mahahaba at maiikling take. Pansinin din na madalas, timbang ang hawak niya sa kamera. Ibig sabihin, nakagitna sa kuwadro ang komposisyon ng mga detalye sa kamera o kaya, klasiko ang piyesa. Timbang din ang bilang ng mga tauhang makakasama sa isang kuwadro, at maingat na iniaayos sila, nang sa gayon, sadyang-sadya ang dating ng kanilang presensiya, at hindi iyong wari ngayon lamang pinag-isipan. Gayon din, pinalilipas muna ang ilang sandali bago lumabas ang ilang aktor sa eksena. May mga pagkakataon din na malayo ang pinagmumulan ng kamera, at kung magkagayon nga, unti-unti o marahan ang kanyang paglapit sa subject. Sa Norte, madalas-dalas na matunghayan ang langit na pinagagalaw pa ang punto de bista. Kapag nais naman ang epekto ng pagtatambis at paghahambing, iyon na lamang ang ibinibigay na pagtrato sa subjects.

Kaya kay husay ni Direktor Diaz sa pagtistis sa paksang trauma, ang tinututukan niya sa marami sa kanyang pelikula. Dito, isinisiwalat niya kung paanong napahihina ng trauma ang likas na kakayahan ng tao na ipagtanggol ang sarili laban sa anumang puwersa na makagagambala sa kanyang pangkabuuang kapanatagan ng loob na kinakailangan naman upang mabuhay siya nang may sapat na tapang at tibay upang lagi nang maging malikhain. Inilalarawan sa Norte na ang kakayahang ito ay hindi laging napatatatag ng yaman, dunong, lakas, at kahit pa nga ng kapangyarihan ng salapi. Maaaring masugatan at lagi nang taglayin ang sugat na ito sa matagal na panahon, umuukilkil, tumitindi ang sakit, bumubuhay sa isang mapait na nakaraan na matagal nang sinikap na mabigyan ng lunas. Maaari itong ihaing paliwanag sa biglang pagtigil ni Fabian sa pag-aaral ng law gayong punong-puno siya ng pangako sa larangang ito, at isang taon na lamang at magtatapos na siya. May isang matinding pait kaya sa madilim niyang nakaraan ang hindi niya napaglabanan? At bakit nang umuwi siya sa Laoag at himukin siya ng kapatid na dumito na upang magkatuwang nilang palawakin pa ang sampung ektarya ng lupain na nagbibigay na ng malaking pakinabang, ay tila may biglang sumabog kay Fabian, at hindi ito tumigil hanggang hindi nauubos ang lakas ng kasawiang iyon na kay tagal yatang nagkubli sa kuweba ng kanyang sarili!

At kapag unti-unting binalikan ang nakaraan ni Fabian, lilitaw ang mumunting palatandaan na humahanap lamang ng takdang araw ang pagsabog at magaganap din ito, tila nana sa sugat na biglang nananariwa at ngayo’y itinutulak ang balat na nakatabing dito upang makasingaw. May kaya siya subalit nangungutang. Makapipili ng tirahang higit na maalwan, kung bakit nagsisiksik sa masikip. May mga kaibigan subalit hanggang debate at beer lamang siya tumatagal sa kanila. May maliligawang iba ngunit ang pinili ay nobya pa ng kaibigan niya.

Kung gayon, tila nabubuhay si Fabian sa kasalukuyan nang may inaabangang sasagupain sa hinaharap. (Subalit ang kasalukuyang ito naman ay parang land mine na itinanim sa nakaraan!) Hindi niya mahawakan kung ano itong bumabagabag sa kanya kaya nagmimistulang bayan si Fabian na ang kasaysayan ay hindi mailarawan, hindi maituloy sapagkat nahaharap sa isang hangganan na lamang, sa isang pag-uulit lamang ng nakalipas. Nabulok na kaya ang kakayahan niyang lumikha ng larawan ng hinaharap na ibang-iba sa alam na niya? Isang tunay na bagong mundo ang kailangan subalit paano ito papangarapin? Paano aasahang makamtan ang bagay na hindi man lamang matukoy ng imahinasyon?

Kaya nga may hangganan ang kasaysayan. Hindi na maituloy ang putol-putol at tagpi-tagping naratibo. Maliban kaya sa pamilya nina Joaquin at Eliza, ng uring tulad nila? Tiniyak pa ng ilang abugadong nilapitan ni Fabian na may pag-asang maabsuwelto ang kaso ni Joaquin!

Sa Norte, kahit kay linaw ng paghahanay ng ebidensiya na may hangganan nga ang kasaysayan sa buhay ng magkapatid na Viduya sapagkat wala na silang masulingan (kahit pa ang sariling bait!), ang komposisyon ng langit ay pinananatili ni Diaz na maaliwalas sa kanyang kamera, at itinataboy niya nang buong tapang ang nagtatabi-tabing ulap. Para sa kanya at kay Joaquin na may pag-asang lumaya, walang hangganan ang bukas. Nakikita pa nila ang hinaharap, at malilikha nila nang paulit-ulit ang abot-tanaw palibhasa handa silang humarap sa mga pansamantalang hangganan ng lahat ng may sinag at saysay ng buhay.