The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

Limbunan: Kapag Binasag ng Babae ang Kanyang Katahimikan

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni Benilda S. Santos

Higit pa marahil sa panitikan, ang pelikula ay imahen, talinghaga, metonimiya, o salaysaying biswal na maituturing na lunsaran ng mga alaalang nagmula sa kasaysayan, karanasan, matatandang kuwento, o kahit pa nga panaginip na itinutulak sa liwanag ng pagkakilala sa isang kawalan o kakulangang nais punan, o ng isang uri ng dominasyon o manipulasyon na pinagsisikapang harapin. Sa pelikula ng kababaihan, may isa pang bukal na pinagmumulan ang malikhain at mapuwersang pagbuhay sa imahinasyon, at iyan ay ang pagnanais na masilayan ang isa o ilang alternatibong larawan at salaysay ng buhay ng babae.

Tinutugunan ng Limbunan ni Gutierrez Mangansakan II ang pangangailangang iyan ng kababaihan, na mismong pangangailangan din ng pelikula sapagkat lagi nitong dapat na hangaring lampasan ang nakagawian, lalo na sa pagbubuo ng isang pananaw ng babae, o sa pagkakataong ito, ng isang paraan ng pagtingin sa tradisyonal na lipunang Muslim na kumikilala sa umiiral na mga puwang at guwang dito na uusbungan ng bagong paglikha.

Nagsisimula ang “Limbunan” sa maliwanag at walang pag-aalinlangang close-up shot ng lupa, ang mga dahong tuyo na naroon, bakli-bakling siit, sariwang damo, at usling ugat ng puno. Hindi maglalaon, makikita ang kakahuyang nakapaligid sa tahanang hindi rin malayo sa ilog na malinaw at malinis, at sa niyugan na nasa kabilang landas lamang. Walang bakod saan man at wala ring aspaltado o sementadong kalsada bagaman may hinawan na daanan ng manakanakang sasakyan.

Sa mala-paraisong tagpuang ito mabubuo ang mga eksenang kakatawan sa isang buwang paghahanda sa maringal na kasal sa pagitan nina Ayesah at Hussein na kapwa tubong pamilyang Magindanao, ang lahing Muslim na ayon sa kasaysayan, ay mula sa pinakadakila, pinakamayaman, at pinakamalaking sultanato sapagkat binubuo ng walang-patid na linya o henerasyon ng mga lalaki mula pa noong ikalabimpitong dantaon. Tahanan nila ang Cotabato, sa lambak ng Ilog Pulangi o Rio Grande de Cotabato, at inaangkin nila ang tuwirang pagkakataling-pusod kay Propeta Mohammad sa pamamagitan ni Sarip (o sharif ) Kabungsuwan, ang ninunong kinikilalang nagdala ng Islam sa Minadanao. Ito ang sinasabi ng pambungad na close-up shot—narito ang aming lupang tinubuan, ang tahanan ng aming lahi. Sino ang mangingiming pumutol sa kamaharlikaan ng patriarkiyang iniluklok at nakaluklok na dito sa loob ng mahabang panahon?

At sasabihin ng pelikula na isang fiction, isang pangarap at hiling na marahil kasintanda rin ng mahabang linya ng sultanato (o higit na matanda pa dahil mula pa sa maybahay ni Sarip Kabungsuwan—sino ang makapagsasabi?), sasabihin ng pelikula, pakinggan ang tinig ng kababaihan na maaring nagmula pa sa malayong panahon ng pagbubukang-liwayway ng lahing ito.

Sa labi ng tatlong tauhan—nina Farida, Ayesah, at Saripa—malinaw na maririnig ang pag-aalinlangan sa kalusugan at kawastuhan ng kinagisnang kaugalian ng kasal na pinagkasunduan ng mga patriarka ng dalawang pamilya kahit hindi magkakilala ang mismong ikakasal. Si Farida, ang tiya ni Ayesah, ang inatasan ng ama ng tahanan na maging gabay nito sa paghahanda sa maringal na pakikipag-isang-dibdib kay Hussein, ang Magindanao na mula sa pamilyang may malaking kalakal ng isda, bigasan, at maisan. Sa loob ng isang buwan, matiyagang inihanda ni Farida ang katawan ni Ayesah—mula sa buhok nito na pinakintab ng langis ng niyog, hanggang sa mga kuko na pinunasan ng dinikdik na dahon, pati na sa pagpili ng tela ng damit pangkasal—samantalang pinatatatag naman ang damdamin nito sa pagtanggap sa kapalarang iyon sa pamamagitan ng mga payo tungkol sa nararapat na pagtingin sa pag-aasawa ayon sa kaugaliang Magindanao at Muslim. Sa dulo, mabubunyag ang lihim ni Farida. Aaminin niya kay Ayesah na umibig siya kay Haron nang labag sa kagustuhan ng ama, at ipinarinig niya rito ang tinig ng kanyang pagtutol sa pagpapatuloy ng pagpapakasal sa katipan, subalit sa mismong araw ng kasal, pinatay ang lalaki huwag lamang matuloy ang lahat at hindi mabali ang kagustuhan ng patriarka. Mula noon, sumumpa si Farida na hindi na mag-asawa, at wari pagtitika sa kanyang ginawa, siya ngayon ang may hawak ng tungkuling ihanda si Ayesah sa araw ng kasal nito. Dala niya ang pagsisisi sa kasalukuyan: kung sumunod lamang siya sa ama, hindi sana namatay si Haron.

At nangusap naman si Ayesah, ang ikalawang tinig ng pagtutol sa pagpapakasal sa hindi nakikilalang lalaki. Sinabi niya kay Farida na mapalad pa ito sapagkat nakaranas na umibig at ibigin, samantalang siya ay hindi. Kahit malapít ang damdamin ni Ayesah kay Maguid, ang kababatang naging rebelde, hindi naman siya hayagang niligawan nito kaya nawala ang pagkakataong makadama siya ng pagmamahal. Tanong niya kay Farida, “Hanggang kailan ako magtitiis?” Ang sagot naman ni Farida ay sagot ng patriarkiya sapagkat sa kanyang kaso, ano pa ang magagawa pagkamatay ni Haron kundi magpakupkop nang ganap sa status quo? Ipinayo ni Farida na kalimutan na ni Ayesah si Maguid, at sa halip, patatagin pa ang dangal ng kanyang pamilya sa pagsunod sa ama.

Samantala, ang ikatlong tinig ay mula sa pinakabatang babae sa pelikula, si Saripa, na bagaman hindi pa ganap na dalagita ay may sarili nang pasiya na hinugot naman niya sa panonood ng telebisyon: hindi niya pakakasalan ang hindi niya minamahal. Ano ang kanyang kaso? Sa buhay ni Saripa makikita ang pagbabagong dala ng panahon, o ang mumunting lamat sa babasaging mundo ng patriarkiya. Napakalaya niyang maglimayon sa paligid; halos wala nang inang tumitingin sa kanya. Iba rin ang kanyang espiritu. Hindi siya nag-aatubiling sabihin ang nasa isip niya. Babad din siya sa “bagong” kaalaman at kulturang sekular at kanluranin na mula sa telebisyon.

Higit sa lahat, napapasok din ng pagbabago ang patriarkiya na maaaring pagmulan ng pagkukuwestiyon dito ni Saripa pagdating ng panahon. Halimbawa, ang laya ng ama na magkaroon ng higit sa isa pang asawa, at ang pagpili niya sa babaeng Kristiyano. Kahit na maging Muslim pa ang Kristiyano, iba pa rin ang kulturang nilakhan niya sa kultura ng babaeng tubong-Muslim. Ang iba ay tunay na iba. Maaaring makapagpalaki ito ng lamat sa kristal na uniberso ng patriarkiya.

Sa pagsasara ng pelikula, araw na ng kasal ni Ayesah, at suot na niya ang damit-pangkasal. Kasama niya ang kababaihan ng pamilya, pati na si Saripa, na pawang nakagayak. Akmang lalabas na sila ng limbunan, ang tinitirhan ng ikakasal sa loob ng isang buwan upang ihanda siya sa napakahalagang araw na ito sa kanyang buhay. Sa pagdidilim ng screen, wari sinasabi sa akin na manonood, “Hulaan mo ang magiging kapalaran nila. Paano nila lalampasan ang malaking limitasyong pamana sa kanila ng patriarkiya?” At naisip ko, hindi ba’t kapwa naman nabubuo ang pagka-subheto ng babae at lalaki sa loob ng lengguwahe, o ng isang diskurso, o ng isang kultura? Alam ko man na sa dalawang kasong iyan, sa maraming wika, ang tinig pa rin ng lalaki ang nababalot ng awtoridad at hindi ang sa babae, sasabihin ko pa rin na mahalagang ipagpatuloy ang pagpaparami ng mga halimbawa ng pagpaparinig ng tinig ng babae, makapangyarihan man ito o hindi, sa pelikula man o sa tunay na buhay, sapagkat ang bawat babaeng nangungusap, sa kalaunan, sa materialidad ng kanyang katawan at alingawngaw ng kanyang tinig, ay nagiging metaphor (lampas sa porma), nagiging wikang-may-anyong-maaaring-buhayin-o-isabuhay-ninuman, at nauuwi sa pagka-suhay sa pagtatatag ng subhektibidad ng babae.

Sa sandaling angkinin naman nang ganap ng babae ang kanyang sinariling salita at tinig at tumanggi siyang maging ventriloquist o masochist ng patriarkiya, kahit saan siya magtungo, sa gitna man ng pulutong o sa kanyang pag-iisa, makatatagpo siya ng direksiyon, ng isang uri ng kapangyarihang politikal na maaaring gamitin alang-alang sa kapakanan ng iba. Iyan si Saripa, ang sarip o sarif na magdadala ng higit na layang espirituwal sa kandungan ng babae.