The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

Kinatay: Tungo sa Nakasisindak na Pagkaaba

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni Benilda S. Santos

Higit sa pelikulang kapit-sa-patalim o pelikula ng krimen at karahasan, ang Kinatay ni Brillante Ma. Mendoza ay tumitistis sa kalagayan ng pagkaaba, ng pagiging mababa pa sa inaasahan ng taong nahulog sa posisyong kahindik-hindik. Bunga nito, lumabo ang kanyang dating pagkakilala sa sarili at sa kapwa. Nahintakutan siya. Nasindak nang gayon na lamang, at kasabay nito, nalusaw rin ang kahulugan, kahalagahan, at katatagan ng buhay.

Hindi na bago ang paksang pagkaaba ng tao sa ating mga pelikula. Sa katotohanan, ito ang kaagapay na tema ng maraming pelikula na naglalayong magsiwalat ng kabiguan at kasawiang dinaranas, madalas, ng uring maralita, at kasabay nito ang damdaming awa o habag na iniuukol sa mga tauhang sawi o api, at suklam at galit para naman sa mga tauhang naging dahilan ng masaklap na kapalaran ng una. Ang klasikal na resolusyong iginagawad sa ganitong salimuot ng banghay ay walang iba kundi ang simpleng pagpapalit o pagbabaligtad ng kalagayan ng magkabilang panig.

Makababawi ang maralita dahil makatutuklas ng mabuting kaibigan o malakas na kakampi, at maparurusahan ang nang-api dahil malalantad ang lahat ng kanyang kasakiman at kasamaan, at itatakwil siya ng marami. Lalabas naman ang mga manonood ng sinehan na pawing-pawi ang bigat sa dibdib at isip sapagkat kanselado ang lahat ng kontradiksiyong nagpagalaw sa pelikula mula simula hanggang wakas, at hindi na baleng wala silang gaanong naunawaan sa ipinagkaganoon ng bagay-bagay sa pelikula.

Malayo rito ang Kinatay ni Mendoza bagaman tinalakay rin niya ang paboritong paksa ng mga pelikula at teleseryeng patuloy na pumapatok sa manonood. Una, matalino ang kanyang pelikula, ibig sabihin, may nais siyang gawin na hindi karaniwan sapagkat nagmula sa sarili niyang pagmumuni-muni sa dati nang mga paksa, at ang kaibahang ito ay hayag na hayag sa paggamit niya ng camera. Mapaglaro siya rito: minsan, tuwid at maliwanag ang anggulong pinipili niya. Ganito ang para sa unang bahagi ng pelikula—iyong simula, nang patungo sa kasal sina Cecille (Mercedes Cabral) at Peping (Coco Martin). Kung minsan naman tagilid ang anggulo at bawás ang liwanag—iyong ikalawang bahagi, nang magkita si Peping at ang tagakolekta ng tong, at pagkaraan, nang yayain ni Abyong si Peping sa “operasyon” ng mga amo nito.

Tangi pa rito, hinabi ni Mendoza ang napapanahong pagmumuni-muning ito hindi lamang sa antas ng indibidwal kundi pati na sa antas ng lipunan, at kung ituturing pa ang pelikula na isang metonimiya, aangat pa ito sa antas ng bayan. Magpupulis si Peping. Criminology ang pinag-aaralan niya kahit hindi naman siya nakikinig sa klase. May-kaya ang pinili niyang ninong sa kasal, at walang patid ang pagpansin niya sa van nito na kanilang sinakyan. Baka raw balang araw ibalato na ito ng ninong sa kanya. (Sa huwes sila ikinasal; hindi sa simbahan. Maraming kasabay nilang ikinasal sa munisipyo.)

Higit sa lahat, sa pelikulang ito, mahigpit ang hawak sa panahon. Sa loob ng beinte kuwatro oras, isinalaysay sa Kinatay ang naganap sa buhay ni Peping mula sa paglabas niya ng bahay sa umaga ng kanilang kasal ni Cecille, hanggang sa umaga kinabukasan sa kanilang tirahan nang ipinakikita ang kanyang maybahay na nagluluto ng kanilang agahan at wala pa si Peping. Ganito ang banghay na nilikha ni Mendoza sa pelikula upang matutukan natin nang mataimtim ang unti-unting pagbagsak pa ng kalagayan ng pagkatao ni Peping na sa simula pa lamang ay makikitang mababa na (hindi naman seryoso sa pag-aaral ng criminology, at tagakolekta siya ng tong mula sa mga nagtitinda sa bangketa).

Buong-buo at paikpik na paikpik ang estruktura ng buong pelikula. Umikot ang banghay nang pabalik sa pinanggalingan nito noong una. Ang gabi at araw ay mahigpit na pinaghiwalay: sa umaga ang lahat ng gawain ni Peping (kasal, pagkain sa restawran, pagpasok sa klase, pagkuha ng mga salaping nilikom), at sa gabi ang pagtungo nina Peping at Abyong sa aliwang-panggabi ng kalalakihan kasama ang barkada nina Sarge at Chief.

Chiaroscuro. Liwanag at dilim. Ang gawaing maaaring iharap sa liwanag, sa araw ginagawa. Ang tago at di-kayang titigan sa araw, sa gabi inihahandang harapin. Buhay at kamatayan. Ang anak nina Peping at Cecille, ang pagpapakasal, ang pag-aaral ni Peping ng criminology upang maging pulis.

At sa ikalawang hati ng pelikula, ang pananakit kay Gina a.k.a. Madonna sa loob ng van pa lamang nang hindi nito mailabas ang pambayad sa P100,000 utang; ang pagdadala sa kanya sa isang safe house (mapait na balintuna!) kung saan siya ginahasa nang walang awa ng isa sa limang halimaw. Sa dulo, ang pagkatay sa kanya nang tila walang anuman sa kabila ng pagmamakaawa niya at pagpapaalala sa mga berdugo na may anak siyang binubuhay. (May larawan ng Sagradong Puso ni Jesus sa dingding subalit wala sa kanilang nakapansin dito.) At sa wakas, ang pagtatapon sa kung saan-saan ng pinagputol-putol na katawan.

Payak, tuwid, at malinaw ang screenplay. Walang alinlangan ang pagdating at pag-alis ng mga eksena, piling-pili ang dialogo, timpladong-timplado ang musika at tunog, at makabuluhan at makahulugan ang mga patlang ng katahimikan. Sa madaling salita, inalis ng direktor ang anumang bahagi ng pelikula na makagagambala sa ating pag-unawa dito at sa pagdanas natin ng sindak kasabay ng pagdanas ni Peping ng sindak upang makita natin nang hayagan kung paanong hindi na mapipigilan ni Peping ang tuluyang pagkaaba, o ang pagbulusok niya sa napakababang kalagayan. Nasa balon na siya ng burak at hindi na siya makaaahon pa.

Sa bahaging ito nasuka si Peping. Nasa puwesto sila ng kainan sa tabi ng daan. Walang katinag-tinag sa pag-order ng pagkain ang mga salarin samantalang alumpihit si Peping. Sumugod siya sa palikuran at doon sumuka. Isinuka niya ang pandidri sa sarili, ang pagkalula sa bilis at baba ng kanyang pagbulusok. Sumahod siya ng tubig upang magmumog, at doon niya napagmasdan ang gintong singsing na pangkasal na kulang pa sa dalawampu’t apat na oras na nakasuot sa kanyang daliri. Gintong singsing ng pagmamahal. Pilit niya itong hinugot. Ito ang magiging dahilan ng hindi niya pagbaklas sa mga boss ni Abyong. Paano siya titigil sa pangongolekta ng tong? Iyon ang ipakakain niya sa kanyang pamilya! At ngayong nasaksihan na niya ang sukdulang kasamaan na kaagapay ng hanapbuhay nila, pasok na ang ulo niya sa noose. Kaya kinatay ay sapagkat abang-aba na rin si Madonna, at ang mga pangkat ay sanay kumatay ng abang hayop. Subalit hindi niya nahila ang singsing. Gintong singsing ng pagkabilanggo sa materyal na paangangailangan! Posas magpakailanman!

Kaya nang magpaalam si Peping sa pangkat at makarating siya sa kanto upang mag-abang ng sasakyan, lilinga siya nang parang ligaw na ligaw at hindi malaman ang tutunguhin. Samantalang lumiliwanag na ang araw, dumidilim namang lalo ang lahat kay Peping. Sumakay siya sa taxi at nang umandar ito, humilig siya sa sandalan, at ipinikit ang mata.

Samantala, sa kanilang inuupahang silong, gising na si Cecille at nagsasangag. Umiyak ang kanilang anak. Iniwan niya ang kawali at kinuha ang bata. At saka nagpatuloy sa pagluluto. Isinara ng direktor ang tabing. Nagdilim ang lahat sa paningin ng manonood.