The society of respected film critics that hands out the annual Gawad Urian in cinematic excellence

Natatanging Gawad Urian kay MANUEL CONDE

  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 278.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 355.
  • strict warning: Non-static method Pagination::getInstance() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Only variables should be assigned by reference in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/pagination/pagination.module on line 313.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_validate() should be compatible with views_handler::options_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter::options_submit() should be compatible with views_handler::options_submit($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter.inc on line 589.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_many_to_one::init() should be compatible with views_handler_filter::init(&$view, $options) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/handlers/views_handler_filter_many_to_one.inc on line 104.
  • strict warning: Declaration of views_handler_filter_term_node_tid::value_validate() should be compatible with views_handler_filter::value_validate($form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/modules/taxonomy/views_handler_filter_term_node_tid.inc on line 303.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_validate() should be compatible with views_plugin::options_validate(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Declaration of views_plugin_row::options_submit() should be compatible with views_plugin::options_submit(&$form, &$form_state) in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/plugins/views_plugin_row.inc on line 135.
  • strict warning: Non-static method view::load() should not be called statically in /home/manunuri/public_html/sites/all/modules/views/views.module on line 842.

Ni AGUSTIN SOTTO

Pelikulang pandaigdig din ang pelikulang Pilipino, at napatunayan na ng ating mga direktor na maaabot nila ang mga pamantayang internasyonal sa paggawa ng pelikula. Isa na sa mga direktor na iyan si Manuel Conde, na sa loob ng apatnapung taon ng dibdibang paglikha at pagpapasimuno ay may malaking naiambag sa pag-unlad ng pelikulang Pilipino bilang isang sopistikadong sining.

Manuel Urbano sa tunay na buhay, isa siyang filmmaker na may kakayahan sa iba't ibang aspekto ng paggawa ng pelikula. Siya ay aktor, scriptwriter at direktor ng kanyang mga pelikula, at kapag atubili ang isang istudyo sa pagsasapelikula ng materyal na hindi komersiyal, siya na rin ang prodyuser. Bunga ng pagsasanib ng kapangahasan, tapang at sari-saring talino, siya ay maituturing na tagapagpauna sa ilang aspekto ng sining at pamamaraan ng pelikula.

Ang pinag-aralan ni Manuel Conde ay ang pagiging geological engineer. Hindi sinadya ang kanyang pagkapasok sa industriya ng pelikula, at dito ay pinagdaanan niya ang maging bit player,stuntman, laboratory assistant at ventriloquist para sa isang papet na pinangalanan na Kiko. Noong 1939, pinamahalaan niya ang kanyang unang pelikula, ang Sawing Gantingpala, nang hindi sumipot sa shooting ang kontratadong direktor. Noong 1939, sinimulan niya ang paglinang sa komedyang sopistikado sa pamamagitan ng Maginoong Takas at Villa Hermosa. Sa mga pelikulang ito, ang pagpapatawa ay ibinatay sa talim ng isip at sa sitwasyon sa halip na sa slapstick. Noon namang 1949, pinauso niya ang pelikulang "eskrimahan" nang gawin niya ang matagumpay na Prinsipe Paris. Bilang paghahanda para sa pelikulang nabanggit, sinanay niya ang ilang stuntmen upang magpakita ng mga kagilagilalas na aksiyon, na hanggang ngayo'y makikita pa rin sa ating mga pelikula.

Sa pamimili ng mga paksaing isasapelikula, mahihiwatigan ang pagkamakabayan ni Manuel Conde. Maraming kuwentong tradisyonal ang isinalin niya sa pelikula, gaya ng mga awit at korido tungkol kay Prinsipe Teñoso, sa Ibong Adarna, at sa Siete Infantes de Lara. Sa mga pelikulang ibinatay sa mga kuwentong tradisyonal, naipaloob niya ang makulay na aksiyon, ang katutubong pagpapatawa, at ang pagkamatulain ng mga orihinal. Ang ilan sa mga eksenang galing sa mga pelikulang nabanggit ay nakalimbag pa rin sa alaala ng marami, tulad ng pagpapalit ng kulay ng engkantadang ibon sa Ang Ibong Adarna at ang paglusob ng pitong magigiting sa Siete Infantes de Lara. Ang masinop at maingat na paghalaw sa mga awit at koridong kanyang isinapelikula ay lalo pang hahangaan kung ihahambing ang mga bersiyon ni Conde sa mga bersiyong sumunod.

Marami ring pelikulang popular na ginawa si Manuel Conde, at ang mga ito ay patunay na ang isang pelikulang komersiyal ay hindi kinakailangang maging pelikulang walang kawawaan. Sa mga komedyang tinampukan nina Nestor de Villa at Nida Blanca - Ikaw Kasi, Tingnan Natin, Bahala Na - pinatunayan niya na ang tinatawag na katutubong pagpapatawa ay magagawang malaman at kaakit-akit pa rin kahit na hindi ito kabalbalang walang tinutungo. Sapagkat lagi niyang isinaalang-alang na ang mga manonood ay dapat matuto habang inaaliw, ang kanyang mga pelikulang popular ay pinasukan niya sa magaang paraan ng maraming aral tungkol sa Pilipinas at sa buhay-Pilipino.

Bukod sa mga dokumentaryo, may mga pelikulang ginawa si Conde na nag-ukol ng mapanuring pagtalakay sa mga suliraning pambansa. Ginawa niya noong 1961 ang Molave, na pumaksa sa pangangalaga sa ating mga kagubatan. Noo'y paksaing hindi popular ang nilalaman ng pelikulang ito, subalit ngayo'y katibayan ito na si Conde ay direktor na ang pananaw ay nakatutok sa hinaharap noon pa man.

Ang mga pelikula ni Conde na lalong kinagiliwan ng mga manonood ay ang kanyang serye tungkol sa tauhang si Juan Tamad. Sa mga pelikulang ito, bilang aktor, scriptwriter at direktor, ang pang-uuyam bilang instrumentong pulitikal ay ipinasok niya sa pelikulang Pilipino. Dahil pinagalaw niya ang mga tauhan sa panahong sinauna, bago pa dumating ang mga Espanyol, naiwasan ni Conde ang paghahabla na maaaring ibinunga ng kanyang tuwirang panlilibak sa mga "mahal na tao" at ng kanyang paglalantad sa mga kahangalan ng isang lipunang nahihibang. At sino kaya ang makalilimot sa mga eksenang naglalarawan sa mga labo-labo sa Kongreso, mga pulitikong gahaman sa pork barrel mga fashion show ng mga bestidang yari sa sako, at mga kampanya para sa ikauunlad ng mga mamamayang hindi nabigyan ng wastong direksiyon. Kilitiin ang mga manonood upang ipamalay sa kanila ang mga problema ng bansa iyan ang naging layunin ni Manuel Conde.

Nakipagtulungan si Conde sa kung sinu-sinong kilalang tao sa kanyang mga pelikula. Sumulat si Doña Aurora Quezon ng mga kuwento at awit para sa kanyang mga pelikula. Ang tanyag na manunulat at kritikong Amerikano na si James Agee ang siyang naghanda sa kanyang mga pelikula para maitanghal ang mga ito sa labas ng Pilipinas. Nagdisenyo ng set at kasuotan para sa kanya ang pintor na si Carlos V. Francisco. Naging guro siya ng maraming nasa industriya na ngayo'y mga editor, direktor, sinematograpo, set designer atbp.

Ngayong ang pelikulang Pilipino ay nagsimula nang makilala sa labas ng Pilipinas, mahalagang maitala na si Manuel Conde ang pinakaunang direktor na Pilipino na umani ng pagkilalang pandaigdig. Sa maprestihiyong Venice Film Festival noong 1952, itinampok ang Genghis Khan. Nang sumunod na taon, sa Edinburgh Film Festival naman ito itinanghal. Ang Genghis Khan ay kauna-unahang pelikulang Pilipino na ipinamahagi sa iba't ibang bansa sa Estados Unidos, Pransiya, at Gran Bretanya. Naipalabas na rin ito sa telebisyon sa maraming dako ng daigdig. Ang karangalang tinanggap ni Conde ay katibayan ng mataas na pamantayang itinakda niya para sa kanyang sarili at para na rin sa industriya ng pelikulang Pilipino.