Busong (2011)
Katutubo sa Pelikula
Ni Roland B. Tolentino
Ang isang produktibo sa pagpasok ng indie cinema movement ay ang paglalatag ng mga subalterno identidad—tulad ng tirador, gangster, lola ng pinatay at pumatay, at iba pa—at ng historikal na isinantabi, tulad ng katutubo. Nauna nang ginawa ito ni Brillante Mendoza sa Manoro (2006 ), tungkol sa partisipasyon at pagkaetsapwera ng mga Aeta sa eleksyon, at ni Regiben Romana sa Sakay sa Hangin (2011), tungkol sa audiobiswal na meditasyon sa buhay at komunidad ng Talaandig.
Ang kakaibang ginawa ni Auraeus Solito bilang metropolitanisado (at ang kabadingan ay bahagi na rin nito) na Palawanon sa Busong ay habiin ang magkakasalikop na buhay ng mga tagaroon, at nang sa gayon ay makabuo ng isang kolektibong kwento ng pamayanan, ang pagkasantabi’t pananatili nito: isang babaeng sugatan sa paa at hindi makatuntong sa lupa, asawang babae na ang habilin sa kabiyak ay hindi sinunod at binagsakan ng punong ipinagbawal putulin, at ama na inihahabilin ang katutubong dunong sa kanyang batang anak na lalake sa gitna ng modernong pagmamatyag sa dapat at hindi dapat gawin ng katutubo, at ang manggagamot na maghihilom at maghahabi ng kolektibong kwento. Read complete review