Noong una, at hanggang sa ating panahon, inuuri ng platero ang ginto sa pamamagitan ng isang pirasong batong-buhay. Ikinikiskis dito ang anumang bagay na yari sa ginto, at ang bahid na naiiwan ay nagiging batayan sa pagtiyak sa halaga nito. Ang batong ginagamit sa ganitong pagsukat sa halaga ng ginto ay tinatawag na urian.
Ang Gawad Urian ay pagsukat ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa kasiningan at kasanayan ng ating manlilikha sa pelikula. Ang gawad ay sagisag ng pagkilala sa kakayahang ito, ngunit, higit sa lahat, ito ay sagisag ng pagpapahalaga sa tungkulin ng manlilikha sa kanyang medyum at sa kanyang manonood.